PANGASLAG: The Industrialist Special Coverage on CAASUC-III Regional Culture and the Arts Festival 2025


Mula king alaya a penibatan na ning kule at sala, sinibul la ring sampaga a memie pangisnawa keng kekatamung diwa. Ngeni, makasadya na la para mag-aklap at ipakit ing lagu ning balen Pampanga.
Magmula noon, nakaukit na sa ating kasaysayan ang legasiyang iniwan ng sining at pagkakakilanlang inihandog ng kultura. Hinubog nila ang ating lipunan sa isang tahanan ng magkakarugtong na husay, dangal, at pangarap na patuloy na dumadaloy sa ating salinlahi.
Dito nahimbing ang mga talentong naihahayag sa pamamagitan ng panitikan, dibuho, indayog, awit, at marami pang iba. Ang bawat isa sa mga ito ay sinasalaysay ang mga kwentong mas nagpapalalim pa sa bakas na iniwan ng sining at kultura—mga naratibong nagpapakilala sa lahat ng kanilang kakakayahan.
At ngayon, masasaksihan nating muli ang pag-alpas sa alapaap ng mga delegadong may iba't ibang talento at kanya-kanyang ambisyon ngunit pinagsama-sama ng iisang hangarin at determinasyon na manalo upang maiuwi ang ginintuang tropeo.
Ang kanilang paglahok ay hindi lamang pakikipagtagisan sa entablado at pagkatawan sa ating unibersidad—ito ay pagpupugay rin sa mga pinangangalagaan nating tradisyon at pagpreserba sa ating pinagmulan.
Samahan ang The Industrialist, ang opisyal na pahayagang pang-mag-aaral ng Pampanga State University, sa pagsubaybay sa mga Honorian na magpapamalas ng galing sa Rehiyonal na Pista ng Kultura at Sining na gaganapin sa Pampanga State Agricultural University sa darating na ika-22 hanggang ika-26 ng Nobyembre.
Sabay-sabay nating tunghayan ang makulay na pagdiriwang ng ilang siglong kultura ng Gitnang Luzon at ilang buwang pagpupunyagi ng mga kapwa Honorian. Ating pagmasdan ang unti-unting pagsibol ng mga binhi na diniligan ng pawis, inarawan ng mga mithiin, at inalagaan nang walang mintis.
Para sa ating mga delegado, sana ay marating niyo ang rurok ng iyong pagsisikap habang patuloy niyong binubuhay ang legasiya ng bayang Kapampangan.
